Gospel Luke 6:39-45

Ano’ng Laman Ng Puso Mo?

Kung ano’ng puno, siya’ng bunga. Kung ano’ng laman ng puso mo, siya’ng bigkas mo.

Nagalit ako sa nanay ko dahil feeling ko nangingialam siya sa akin. Sabi ko, matanda na ‘ko. Alam ko na ang ginagawa ko. Kung ano ang desisyon ko, ‘yun ang masusunod.

Kaya sa galit ko, minura ko ang nanay ko. Nagulat siya sa sinigaw ko. Aaminin ko, nagulat din ako. At nakita ko sa mga mata niya, ang patak ng luha na ibig lumabas, nguni’t pinigil ng pusong niloloob nito.

Sa’n nga ba nagmula ito? Pinipilit kasi ni Nanay na umuwi ng probinsiya. Ayoko kasi walang titingin sa kaniya doon. Pero ang totoo, mag-bobora kami ng bf ko. Tinawagan niya bf ko at tinanong kung totoong may lakad kami. ‘Yun ang kinagalit ko.

Pagbalik ko galing Bora. Wala na si Nanay. Umuwi na ng probinsiya. Pagkatapos ko’ng magsaya sa beach, salubong sa akin ng bahay ay inis sa nanay ko. Bakit kasi ang kulit. Sabi ko sa sarili, bahala siya. Kung gusto niya doon, doon siya.

Tatlong buwan na ang nakalipas. Natuwa akong nakawala sa pangingialam ni Nanay. Parang ang tahimik ng buhay ko. Pero, minsan, nami-miss ko rin si Nanay. Masarap kasing magluto si Nanay. Naisipan ko tuloy tawagan siya at kumustahin.

Okey na sa sana mood ko kaya lang, nega agad ang sumalubong sa akin. Mabuti naman daw at naisipan ko’ng tumawag, sagot ng tiyahin ko sa tonong ‘di ko nagustuhan. Sa loob-loob ko, pati ba naman tiyahin ko, iinisin ako. Gusto ko sanang kausapin si Nanay, pero nagbago isip ko. Baka lalo lang akong mainis. Kaya pinutol ko agad ang tawag.

Isang taon pa ang lumipas. Sa mall, nasalubong ko si insan. Tanong niya sa akin, “Hindi ka ba uuwi ng probinsiya?” Sabi ko, “Bakit?” “Babang-luksa ng nanay mo.”

Hindi ko alam ang sasabihin ko sa narinig ko. Masamang biro ba ‘to? Hindi ko alam kung sisigaw ako, iiyak, o magagalit. Hindi ko alam kung ano’ng laman ng puso ko kaya marahil wala akong mabanggit. Sabi ko sa sarili ko, sana inalam ko kung bakit niya gustong umuwi ng probinsiya. Alam niya palang hindi na siya magtatagal. Kung alam ko lang, ‘di sana ako nagalit kay Nanay.

Pero tama ba ‘yun? Kailangan bang alam ko para ‘di nahusgahan ang nanay ko?

A good man draws what is good from the store of goodness in his heart; a bad man draws what is bad from the store of badness. For a man’s flow out of what fills his heart.

Luke 6:45

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.